This is a paper I made way way back when I was a freshman,circa 2008. Even though it was only a requirement for a Fil12 class(with Maam Beni Santos!),I poured my everything into making this paper. I’m not saying that I hate Ateneans and that I’m boxing them into un-Filipinized human beings but I wanted to make a point of the losing “TRUE” Filipino culture in the university,in the perspective of a freshman. Sadly, after three years, the situation remains relatively the same.
(picture galing sa matanglawin.org)
Minsan kumakain ako ng tinapay na galing sa Substation at umiinom ng milk tea na galing sa Buddha Bean Cafe sa may JSEC,nang muntik na akong mabinlaukan dahil sa dalawang babaeng nagkwekwentuhan sa tabi ng aking upuan. Bigla-biglang tumayo iyong isang babae at isinigaw, “OH MY GOD,ha?I was just takot to make sumbong her,because I have utang na loob.Argggh!I am so naalibadbadran na!” Noong una, tawang-tawa ako sa sinabi niya, halos di na ako makahinga. Pero nang naglalakad na ako sa Katipunan, at pagpasok ko sa jeep papuntang Antipolo, napagtanto ko na nakalulungkot na bagay ang naranasan ko sa JSEC minu-minuto lamang. Nalungkot ako dahil alam kong hindi lamang isa,dalawa o tatlong Atenista ang nagsasalita ng lengguwaheng nakatatak at nakatali na sa ating unibersidad. Alam ko na pumasok ka sa caf, sa dorm,sa classroom,sa smocket,sa computer labs, lumabas ka rin sa Katipunan at dumayo sa mga kainan-makakarinig ka ng mga Atenistang nagsasalita ng ganitong paraan- Taglish o Conyo kung tawagin sila.
Minsan din, nakikita ko na sa dinami-raming kopya ng Matanglawin at sa dinami-raming estudyante ng Ateneo, hindi gaanong nauubos ang kopya ng nasabing magasin, na patuloy na nagsisilbing pambukas-mata sa mga isyung sosyal at pandagdag-kaalaman sa kulturang Pinoy.
Noong nakaraang linggo lamang,muntik nang langawin ang inihandog ng Sanggu na Alternative Class Program kung saan kinakailangan maglaan ang bawat Atenista ng oras upang makinig sa mga panayam tungkol sa Kulturang Pinoy o dumalo sa social involvement fair. Itong class program na ito ay nagsisilbing proyekto ng Sanggu upang maging mas aktibo ang mga Atenista sa pag-aangat ng Kulturang Pinoy at pakikisalamuha sa pag-taas ng antas ng Pilipinas.
At nakito ko itong mga repleksiyon ng kaunting pagpapahalaga ng mga Atenista sa kulturang Pinoy. Simula nang pumasok ako sa Ateneo,kakaunti lamang ang aking karanasan kung saan naramdaman ko talaga ang pagka-Pilipino ng kapwa kong estudyante. Tila ba unti-unting naglalaho ang ating pagkatao at tradisyon na ipinaglaban at pinakaiingat-ingatan ng mga ninuno natin nang ilang salinlahi?
Bakit gaanon?Kung sino pa ang nasa unibersidad,kung sino pa ang mga marurunong na pag-asa ng ating bayan,kung sino pa ang itinuturi ng masa na tagasalba ng ating bayan,sila pa ang may kaunting pagpapahalaga sa kulturang Pinoy. Mala-paraiso nga ang eskuwelahan natin, ngunit unti-unti naman itong nagiging pugad ng (ayon sa iba) conyong elitista. Masyado raw tayong kumportable sa apat na sulok ng ating paaralan,na nakakalimutan na nating maging mga Pilipino. Tayong mga agila raw ay labis na ang taas ng lipad, na napuwing na ang mata nating mapanuri at nahulog na ang mga pluma nating matatag. Masyado daw nating pinahahalagahan ang tsinelas na imported at pagpaparty.May immersion o JEEP nga tayo ngunit pinandidirihan daw natin ang mga Aeta.
Nagkalat ang mga sabi-sabing ito sa internet. Ilang pahina at ilang forum din ang ganito ang laman. Minsan ipinapasa-pasa ng mga tao ang mga e-mail tungkol sa mga ito at nararamdaman ko na tila kinukutya tayo,pinagtatawanan,kinaiinisan ,at pati pinandidirihan ng karamihan.
Para sa akin,kahit freshie pa lamang ako, sawang-sawa na ako sa mga sabi-sabing ito. Alam ko kasing kaya pa natin ito baguhin.Kahit pakonti-konti.
Simulan natin sa pagiging Pilipino; sa pagsisikap na gamitin ang Tagalog sa tamang paraan; sa pagbabasa sa Matanglawin o kung ayaw man, sa pagiging mapanuri sa mga bagay na nangyayari sa ating bansa at gumawa ng mga aksyon na sosolusyonan ang mga ito. Sa aktibong pagsali sa mga proyekto ng mga organisasyon sa Ateneo na gumagalaw para sa sosyo-politikal na kamalayan. At pakikisalamuha sa mundo na nasa labas ng Gate 1,Gate 2,Gate 2.5, at Gate 3.
Alam kong kaya nating burahin ang tatak eklusibo na naitali na sa pangalan ng Ateneo.Alam kong kaya nating bumaba sa taas ng lipad natin upang maisanuhay nang totoo ang cura personalis,magis,men and women for others na talaga namang itiinatak sa mga isipan nating mga Atenista.
Kailangan lang nating tandaan na lahat tayo ay Pilipino. At lahat tayo may obligasyon na maging mulat sa nangyayari sa ating bansa. Sana sa susunod na kakain ako ng tinapay sa JSEC ay hindi na conyo ang marinig ko kundi ang boses ng mga estudyanteng bukas ang isipan-mga estudyanteng Atenista,estudyanteng Pilipino.
P.S.
Thinking about it,how idealistic have I been during freshie year.Grabe, It feels so different now than before.
